Tinik

Dumating na ako
sa dulong di ko na matiis
ang balakid.

Sadyang ganito–ano’ng
magagawa ko?
Meron. Kahit konti.
Tulad nito.

Pero mamaya
umaasa na marami
nang magagawa—
asa ka pa, ha!

Singa, singa, singa,
kailan ka huhupa?
Pag wala nang gana?

Advertisements
Posted in Filipino poetry, makata, tula, Uncategorized | Tagged , , , , | Leave a comment

Alerhiya

Alas-tres y medya ng umaga,
nakatunganga pa rin,
sisinga-singa,
walang katas ang isip,
nakakulong sa alerhiya,
walang mahabi.

Ang tindi, ako’y
ginawang sombi,
di bale huhupa din
mamaya, pero wala
ring gagawin kundi antukin
buong araw, babawi
siyempre.

Posted in Filipino poetry, makata, tula, Uncategorized | Tagged , , , | Leave a comment

Pagkagising

Nangangapa pa rin . . .
ano ba talaga ang
gagawin kung hawak
mo na ang bagay
na iyon?
Pati “iyon” ay
di ko alam.

Huwag nang mangapa,
baka ano pa’ng matuklasan
ng pangahas na kamay na sa
bandang huli’y walang
katapusan . . .

Posted in Filipino poetry, tula, Uncategorized | Tagged , | Leave a comment

Suplay

Mauubos na naman
ang aking suplay: alak, ano pa?
Kailangang magpabili sa
anak sa Waltermart
kundi’y mauubusan ako
ng lakas.

Napakarami kong gagawin
walang magagawa kung
walang empe (puwe), o red horse–
kailangan ko basta ang kanyang sipa,
nang humupa ang sakit ng
katawan o isip, para uli
maging ako.

 

 

 

Posted in Filipino poetry, tula, Uncategorized | Tagged , , | Leave a comment

Uminom Mag-isa

Ilang beses na rin akong nakipag-inuman
at marami na rin akong natutuhan
sa umpukang bote na sa bandang huli’y
walang kabuluhan.
Mabuti na lamang at maaga
kong natuklasan na mas masarap
uminom mag-isa
kaysa uminom sa barangay tagay
na walang kuwenta.
–Lorenzo A. Fernandez Jr.
Posted in Filipino poetry, Uncategorized | Tagged , , | Leave a comment

Si Engineer

“Engineer ako,” sabi ng isang engineer
sa isang kausap.
“Sabi ni Engineer. . .” kuwento naman
ng isa pang engineer patungkol sa sarili
para hindi masabing nagmamayabang.
Ang hindi nila alam, engineer din ako.
Pero hindi ko sinasabi.
Wala akong sinasabi.
Engineer ako pero hindi
sabik sa titulo, di katulad nilang ordinaryo.
At di nila alam, nagsusulat pa ako
At kahit lumipas ang isang daang taon,
hindi nila kayang gawin iyon.
Kahit huminto pa sila sa pagpapakilala,
wala nang magagawa, kundi lumaklak
ng bulok na alak at ipangalandakang
engineer uli sila, pauli-ulit.
O, Engineer sa papel, na ipinasok
ni Politiko sa trabaho, wala ka!
Wala kang dapat ipagyabang
dahil ikaw ay unggoy lamang!

–Lorenzo A. Fernandez Jr.

Posted in Filipino poetry, Uncategorized | Tagged , , , | Leave a comment

Awit Ng Isang Alagad Ni Li Po

Kung minsa’y mas mainam pa ang matang malabo
Dahil gumaganda ang pangkaraniwan,
O lumilinaw ba kung maganda ang nakikita?
Pero kailangan kong tanggapin
Ang matang ang nakikita’y dilim kung araw
At matang nakikita’y liwanag ng buwan
Habang umiinom mag-isa ng pulang alak
Ng lakan.

Lumilinaw ang anino,
Tunay ang tatag ng pulso,
At ang lakas ay parang toro
Sa isip at tuhod.

A, huwag nang mag-alinlangan,
Ito’y panandalian lamang,
Huwag sayangin ang apoy
Na nararamdaman. . .

Sinasayang ko ba?
Heto, ako’y magbabalita
Ng sikretong aking natuklasan.
Ano ba ito?

Wala naman akong napagtanungang madaldal
O narinig na atungal ng baboy.
A, ako’y magpapahayag ng balitang
Natutuhan mula sa alak ng lakan.
Marami itong sinasabi at di pangkaraniwan.
Ewan ko lang sa ibang tumutungga,

A, wala akong pakialam.

Nawala tuloy ako dahil ordinaryo,
Buwisit sa espiritu!

Pero ito ang totoo: maraming anunsiyo.
Pero hindi mababasa
Sa anumang peryodiko
Sa tapat ng barbero.
At lalong ito’y hindi para sa mga lasenggong
Maingay kung walang masabi,
Tunog lata. Huwag na nga kaya?
Ako’y maghihintay na lang ng mambabasang
Mahilig sa kalabasa, pampalinaw ng mata.
Pero kung wala, wala akong sasabihin. Ha!
Uubusin ko na lang ang bote ng lakan.

A, huwag nang mag-alinlangan,
Ito’y panandalian lamang,
Huwag sayangin ang apoy
Na nararamdaman. . .

Ako’y pagal na, siyempre lasing.
Liwanag ng buwan
Ay gusto ko nang higupin.
Ang balita ko’y wala akong pulutan.
Sino ang may sabing gusto ko iyan?
Sapat na ang alak ng lakan!

 

–Lorenzo A. Fernandez Jr.

Posted in Filipino poetry, makata, tula, Uncategorized | Tagged , , | Leave a comment