Dayo lang daw kami
sa nabili naming tumanang
puno ng punong mangga.
Pero putulin na lang daw
ang mga iyon at tatamnan
na lang ng kalabasa,
ayon sa suhestiyon nila—
silang mag-gugulay o
mag-uuling.
Babatasin daw kami
kung hindi kami makikisama,
taena. Ano kayang batas
ang alam nila, batas ng mga
sukab sa Sumacab?
Ha! Batas tulisan?
Ibang batas ang umiiral
sa tumana, lahat ay utak- maggugulay
o utak-mag-uuling.
Nang dumating si Santing
at hindi sinanto ang mga puno,
halos binuwal lahat,
lalo pang nag-umigting ang gusto
nilang putulin ang mga punong dapa
kahit buhay naman, sadyang atat na atat
ang mga ungas na sukab
sa Sumacab!
Sang-ayon man ako
o hindi (pero wala akong
sinasabi na sang-ayon ako
sa gusto nila), isa-isang pinuputol
ang mga mangga araw-araw,
ginagawang uling, at sa huling dalaw ko
ay nagtira lang ng isang puno, nakasuga
pa doon ang isang hayop na kalabaw
at kambing, walanghiyang batas!
Gano’n pa man, magtatanim
pa rin ako, kahit hindi na mangga,
basta puno—avocado, santol, guyabano,
saging, buko, atbp. Pero hindi makaintindi
o ayaw umintindi at gulay ang
pinagpipilitan, at dayo lang daw kami,
batas ba iyon? Iyon ang hindi
ko malimi. Wala bang private
property?
Mistulang public property
na ang private property
na sinusugahan ng kalabaw at kambing.
Wala akong masabi. Pakikisama daw.
Dayo nga ako pero hindi nila lupa
ang tumanang nabili ko
sa isang paring mahilig magmay-ari
ng lupa. Pero wala silang sinasabi
noong pari ang may-ari. Takki.
Umiiral din ang diktadurya
sa dayong gustong diktahan,
silang puro gulay na ini-spray-han
ng lason ang tanging alam at
puro putol ng punong gagawing
uling, mga langgam!
Sana’y kayo, mga sukab sa Sumacab,
ang maging gulay at uling bilang parusa
sa inyong pagkagahaman!